Kahit nilulukuban ng matinding galit si Ernesto sa madalas na pagpapainom ng asawa sa kanyang mga kaibigan sa loob ng kanilang tahanan, hindi sumagi sa puso’t isipan niya ang panibugho kaya’t iniisip ng kanyang mga kapatid na posibleng naroon pa rin ang wagas na pagmamahal ng kanilang kuya sa asawa.

Bago umuwi ng bansa si Ernesto, nag-text siya sa kanyang asawang si Jennifer upang ipabatid na uuwi na siya ng Pilipinas at ang nais niya ay sunduin siya ng asawa paglapag ng erop­lano sa airport.

Una’y sumang-ayon si Jennifer sa kagustuhan ng asawa na siya ang sumundo sa airport subalit nagkaroon pa sila ng ilang palitan ng mensahe na nagpapahiwatig ng hindi na pagkakaunawaan lalo na nang tanungin ni Ernesto kung ano na ang estado ng kanilang relasyon.

Maanghang din ang naging mga mensahe ni Jennifer sa asawa kaya’t bago umuwi ng bansa si Ernesto, nagpadala siya ng mensahe sa kanyang anak sa pamamagitan ng Facebook at tinanong kung puwedeng sa kanya muna siya tutuloy pagdating sa bansa.

Gayunman, hindi kaagad nakita ng anak ni Ernesto ang kanyang mensahe dahil hindi nakapagbukas ng kanyang Facebook account ang 14-anyos na dalagita hangggang sa dumating ang ama mula sa Saudi Arabia.

Alas-11:00 nang gabi nang lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Ernesto mula sa Saudi Arabia subalit wala ni anino ni Jennifer ang kanyang nakita kaya’t muli siyang nag-text sa asawa upang alamin kung bakit hindi siya sinundo.
Nang sumagot si Jennifer, sinabi niya sa asawa na magkita na lang sila sa isang convenience store sa Trece Martirez, Cavite at doon nila pag-usapan ang pagkakaroon ng lamat ng kanilang relasyon.

Sumakay si Ernesto ng taxi at mula sa airport ay nagpahatid siya sa kanilang napag-usapang tagpuan sa isang convenience store sa Trece Martirez subalit hindi pa man niya nakikita ang asawa pagdating sa lugar ay may sumalubong na sa kanyang isang lalaki na hindi niya kakilala.

Dakong alas-4:30 nang madaling-araw nang madiskubre ng mga nagpapatrolyang opisyal ng barangay ang duguan at agaw-buhay na katawan ni Ernesto sa isang talahiban sa Barangay Tanauan sa bayan ng Tanza sa lalawigan ng Cavite.

Kaagad ipinabatid ng mga opisyal ng barangay sa Bagtas Police Community Precinct ang nakitang duguang lalaki kaya’t nang dumating ang mga nagrespondeng pulis, isinugod pa nila si Ernesto sa Emiliano General Hospital nang makitang naghihingalo pa ang biktima.

Gayunman, idineklara ring patay na si Ernesto ng mga manggagamot nang idating siya sa naturang pagamutan kaya’t kaagad na iniutos ni Supt. Herson Mojica, ang hepe ng Tanza Police ang pagsasagawa ng malalimang im­bestigasyon sa kaso.