Misis, kalaguyo utak sa pagpatay sa kadarating lang na ofw

Hindi lamang si Ernesto ang OFW na dumanas ng masaklap na kamatayan ilang sandali lamang makaraang dumating ng bansa mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa na ang itinuturong utak ng krimen ay ang mismong asawa at kalaguyo.

Ganito rin ang nangyari sa isa pang OFW mula sa Lipa City, Batangas na binaril at napatay ng nag-iisang salarin sa harap mismo ng kanilang bahay habang idini-diskarga pa ang kanyang mga bagahe sa sinakyang van.

Mayo 19, 2018 nang barilin ng dalawang ulit sa ulo ang 57-anyos na si Danilo Henson Teruel sa harap mismo ng kanyang bahay sa Purok I, Barangay Pinagkawitan, Lipa City sa lalawigan ng Batangas.

Kadarating pa lamang ni Danilo at ng asawang si Janet Manalo Capalad mula sa pagtatrabaho bilang aircraft maintenance personnel sa Riyadh, Saudi Arabia at tinitingnan pa ang mga ibinababang mga bagahe sa sinakyang van sa harap ng kanilang bahay dakong alas-8:20 ng gabi nang biglang sumulpot ang nag-iisang gunman at malapitan siyang binaril nang dalawang ulit sa ulo bago mabilis na tumakas.
Isinugod pa ng kanyang maybahay na si Janet si Danilo sa NL Villa Memorial Medical Center subalit idineklarang patay na ng attending physician sanhi ng dalawang tama ng bala sa ulo.

Nang itawag ng security personnel ng naturang pagamutan sa pulisya ang pangyayari, kaagad na iniutos ni Lipa City police chief Supt. Rhoderick Tonga ang pagsasagawa ng pagsisiyasat sa nangyaring krimen.

Ipinarating din ni Supt. Tonga kay noon ay director ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (Calabarzon) Chief Supt. Guillermo Eleazar ang insidente, pati na ang katauhan ng biktima na isang OFW na kadarating lang sa bansa mula sa pagtatrabaho sa Saudi Arabia kaya’t iniutos kaagad ng opisyal ang agarang pag-TUGIS sa salarin.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Supt. Tonga at kaagad na isinagawa ang wastong mga alituntunin sa pagsasagawa ng imbestigasyon at lahat ng mga taong nasa paligid, pati na ang asawa at mga kaibigan ng biktima ay itinuring na mga suspek.

Sa kasagsagan ng masusing imbestigasyon, dito na lumutang ang isang tricycle driver na kabilang sa nakasaksi sa nangyaring krimen at ipinahayag sa pulisya na isang araw bago nangyari ang pamamaslang, nakita niya si Roel Dinglasan Guico, isa sa mga kaibigan ng biktima na siya pang sumundo sa mag-asawa, na kausap ang lalaking bumaril kay Danilo.

Ang pagkikita at pakikipag-usap ni Roel sa salarin ay hindi maituturing na isang aksidente lamang dahil ilang sandali bago pa mangyari ang pagpatay, muling nakita si Roel at ang ­gunman na nag-uusap sa hindi kalayuang lugar sa bahay ng biktima.