Dahil dito, kaagad na pinigil ng pulisya at isinailalim sa kanilang kustodiya si Roel kasabay ng malaliman pang pagsisiyasat upang matukoy kung ano ang motibo sa nangyaring pagpaslang.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni Supt. Tonga na isa ring OFW si Roel at nagtatrabaho naman bilang company driver sa Riyadh, Saudi Arabia kung saan sila nagkakilala ni Danilo hanggang nang lumaon ay naging magkaibigan.

Natuklasan din ng pulisya na sa Saudi Arabia rin pinakasalan ni Danilo si Janet na nagtatrabaho naman bilang isang nurse sa isang pagamutan sa naturang bansa.

Hindi rin nailihim sa pulisya ang pagkakaroon ng matagal ng relasyon nina Janet at Roel na lingid sa kaalaman ni Danilo dahil itinuring pa niyang kapamilya at malapit na kaibigan ang lalaki.

Natuklasan ang lihim na relasyon nina Roel at Janet makaraang makumpiska ng pulisya ang cellular phone ng lalaki at nang suriin ang bawa’t nilalaman ng naturang gadget, nakita rito ang palitan nila ng mensahe ni Janet at dito nila nadiskubre na dalawang taon na pala ang relasyon nila ng asawa ni Danilo na lingid sa kaalaman ng napaslang.

Sa katunayan, nang unang umuwi si Roel sa Pilipinas, isang linggo bago pa man umuwi ang mag-asawang Danilo at Janet, nangako pa ang una na siya ang susundo sa mag-asawa paglapag ng kanilang sasakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport.

Tinupad naman ni Roel ang pangako dahil nang lumapag ang eroplanong sinakyan ng mag-asawa, naroon na si Roel na siya ring dri­ver ng van na sumundo sa dalawa.

Bunga ng pagkakatuklas sa relasyon nina Roel at Janet, isinailalim na rin ng pulisya sa interogasyon ang ginang habang inamin na rin ng lalaki ang pagkakaroon nila ng relasyon ni Janet.

Sinabi ni Supt. Tonga sa mga mamamahayag na lalong tumibay ang kanilang hinala na sina Roel at Janet ang utak sa pagpatay kay Danilo dahil sa magkataliwas nilang mga pahayag.

Itinuro rin ni Janet kalaunan si Roel na aniya ay siyang nagplano na patayin si Danilo kaya’t luminaw na ang motibo na isang love triangle ang nangyaring krimen.

Ayon sa pulisya, malaki ang posibilidad na planado ang ginawang pagpatay kay Danilo at isinakatuparan ang krimen upang tuluyang masolo ng mga suspek ang lahat ng pinag-ipunang salapi at ari-arian ni Danilo.

Iniutos naman kaagad ni dating CALABARZON Regional Director Eleazar ang pag-TUGIS sa gunman habang kasong murder ang isinampa ng mga tauhan ni Supt. Tonga kina Roel at Janet sa Lipa City Prosecutor’s Office.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makakapagtago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.