Isa pang kaso ang isinampa ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bau­tista laban sa kanyang misis sa Taguig Prose­cutor’s Office.

Kasong paglabag naman sa Cybercrime Prevention Act ang inihain ni Bautista laban sa kanyang dating asawang si Patricia dahil sa pagbubukas umano ng kanyang e-mail ng lingid sa kanyang kaalaman.

Dakong alas-kuwatro ng hapon kamakalawa nang ihain ni Bautista ang panibagong kaso sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Bukod kay Patricia, kinasuhan din ng poll chief ang dating abogado at legal adviser ng asawa na si Atty. ­Lorna Kapunan at iba pang John Does, na kasabwat umano ng kanyang may­bahay.

Ang kaso ay may kinalaman pa rin sa pag­ransak umano ng misis sa kanyang mga gamit at pagkuha ng kanyang mga passbook, iba pang dokumento at iPad.

Nabuksan umano ng kampo ni Patricia ang e-mail ng poll chief at ang mga ito ang ginagamit nito ngayon na ebidensya sa alegasyong nagkamal si Bautista ng P1 bilyong nakaw na ­yaman mula nang maupo sa ­gobyerno.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na sinampahan ng kaso ni Bautista ang kanyang misis.

Noong Agosto 8, una nang sinampahan ni Bautista ang maybahay ng mga kasong grave coercion, robbery, qualified theft at grave threat sa nasabing korte.

Pinag-aaralan pa rin umano ng kampo ng Co­melec chair kung ano pa ang mga kasong maaaring isampa laban sa kanyang maybahay.