Dahil sa hindi na makayang selos, isang ginang ang pinatay sa saksak ng kanyang asawa sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Dead on-the-spot sanhi ng dalawang saksak sa kaliwang dibdib ang biktimang si Joanna Lyn Dolor-Porton, lady guard ng Block 16-A, Lot 41, Phase 3-E1, Langaray, Brgy. 12 ng nasabing lungsod.
Kinilala naman ni Chief/Insp. Ilustre Mendoza, OIC ng Caloocan City police ang suspek na si Roque Porton, Jr., 29, nahaharap sa kasong parricide sa Caloocan City fiscal office.
Base sa magkatulong na imbestigasyon nina Caloocan City police investigators SPO1 Romel Bautista, PO3 Edgar Manapat at PO2 Alvin Pascual, nangyari ang insidente dakong alas-siete ng gabi, lasing umano ang suspek at galit nitong kinumpronta ang biktima kaugnay sa hinala ng mister na may relasyon ang kanyang misis sa kasamahan din nitong security guard.
Dahil hindi totoo, nangatwiran ang biktima hanggang sa humantong ang lahat sa mainitang pagtatalo.
Dito na sinuntok ng suspek ang biktima bago kumuha ng patalim at dalawang ulit na inundayan ito ng saksak hanggang sa mamatay.
Agad naman nakahingi ng tulong ang mga kapitbahay ng mag-asawa kay SPO1 Freddie Dangle ng PNP Maritime, Camp Crame kung kaya’t agad naaresto ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City police Detention Cell.
Tila gulat pa rin sa nanagyari kung kaya’t hindi makausap ang suspek kaugnay sa pagpatay sa kanyang asawa.