Orlan Linde

Sa takot ng isang ginang na madale ng dengue ang kanyang pamilya, nandekwat ito ng mga insecticide sa loob ng kilalang grocery sa Caloocan City kahapon nang umaga.

Resulta, kulong ang suspek na si Muline Fangla, 47, naninirahan sa No. 31 Brgy. Talaga, Capes, Tarlac, matapos itong mahuli ng guwardiya.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-10:00 nang umaga, pumasok sa sikat na grocery si Dangla sa Monumento, MacArthur Hghway, Brgy. 178, Caloocan City at nagkunwaring customer.

Dinampot ng ginang ang apat na pirasong Baygon Multi-Insect killer saka isinilid sa kanyang itim na shoulder bag.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nakita ng security guard na si Robbyrick Payongyong, 33, ang ginawa ng una kaya patay-malisya ang huli at inantay lang nito na lumabas ang una.

Kipkip ang shoulder bag, lumabas na si Dangla kaya naman dito na siya sinita ni Pa­yongyong.

Kuwento ng ginang, marami daw lamok sa kanila kaya Baygon ang kanyang inumit at hindi ang ilang paninda sa loob ng grocery.