Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang kaso ng pagpatay sa isang ginang na real estate agent na natagpuan ang nabubulok nang bangkay sa loob ng isang condominium unit sa Marikina City matapos ang higit isang linggong pagkawala.

Ayon kay Senior Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City Police, hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng biktima na nakilalang si Merly Santos y Distajo, 61-anyos at residente ng Cambridge St., Provident Village sa nasabing lungsod.

Natagpuan ang bangkay ng ginang sa isang unit ng 14th floor ng Cordova Tower Marquinton Residences sa Brgy. Sto. Niño bandang alas-8:10 nang gabi kamakalawa makaraang maamoy ng security guard ng condo na si Noli Mondeniego na nagmumula sa loob ng unit.

Agad na binuksan ang kuwarto at doon na tumambad sa kanila ang bangkay kaya agad na ini-report ito sa Marikina City Police.

Rumesponde ang mga pulis at natagpuan ang bangkay ng biktima na tinakpan ng unan ang mukha at naaagnas.

“Nasa stage of decomposition na ang bangkay nang ito ay matagpuan ng responding team,” ayon kay Quesada.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na nawawala ang cellphone at wallet ng biktima.

Wala pang suspek sa krimen dahil wala umanong CCTV monitor ang condo kaya wala pang ibang paraan para matukoy kung sino ang may kagagawan ng pamamaslang.

Bago ang pagkakatagpo sa bangkay ng biktima ay nag-post sa social media ang kanyang anak na lalaki dahil nawawala umano ang kanyang ina noong Enero 9 pa.

Naniniwala umano ang pamil­ya ng biktima na sadyang pinatay ito dahil sa isang malaking transaksiyon na hinahawakan ng ginang kaugnay sa kanyang trabaho bilang real estate agent.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng impormasyon ang pamunuan ng Cordova Tower Marquinton Residences na pinagtatrabahuan ng biktima.