Misis ng ex-Pasay police chief niratrat ng tandem

Agaw-buhay na isinugod sa pagamutan ang isang dating barangay chairwoman at asawa ng dating hepe ng Pasay City Police makaraang barilin ng riding-in-tandem kahapon ng umaga.

Patuloy na nilalapatan ng ­lunas sa Manila Adventist Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang pisngi ang biktimang si Gina Catalan y Anteojo, 58-anyos, biyuda, da­ting chairwoman ng Barangay 23, Zone 2 sa Pasay City.
Nabatid na ang biktima ay asawa ni dating Pasay City Police chief Supt. Oscar Catalan.

Batay sa ulat ni Inspector Allan Valdez ng Station Investigation and Detective Management Branch, dakong alas-8:05 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa labas ng bahay ng biktima sa David St., Barangay 23, Zone 2.

Nagwawalis sa labas ng bahay ang biktima nang dumating ang riding-in-tandem at pinaputukan ang ginang.

Mabilis na tumakas ang mga suspek nang duguang bumulagta ang biktima.

Hindi naplakahan ang motorsiklo pero nailarawan ang dalawang suspek na nakasuot ng itim na sumbrero, itim na sunglasses at itim na jacket.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives, nakarekober ng ilang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Hindi pa alam kung ano ang motibo ng pamamaril sa mga biktima at patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.