Dinakip ang isang 32-anyos na security guard makaraang ireklamo ng rape ng misis ng kanyang kainuman na kanyang pinasok sa kuwarto saka dinaliri sa Barangay Malamig, Bustos, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa report ni P/Senior Supt. Chito Bersaluna, Bulacan police director, nakilala ang naarestong si Reynald Rivera y Castro alyas ‘Enad,’ 32, security guard ng private school at taga-Barangay Catacte, Bustos habang itinago ang biktimang misis sa pangalang ‘Marian,’ nasa hustong gulang.
Nabatid na naganap ang insidente noong gabi ng Huwebes habang nag-iinuman ang sikyong si Rivera at kanyang kaibigan sa Barangay Malamig, Bustos.
Nang makakuha ng tiyempo ang suspek ay pinasok nito sa loob ng kuwarto ang misis ng kainuman at kanya itong niyakap at dinaliri.
Hindi na idinetalye ng pulisya kung ano ang sumunod na pangyayari sa pangmomolestiya ng suspek ngunit kaagad niya itong ipinagtapat sa kanyang lasing pang mister kaya’t kaagad silang nagtungo sa awtoridad at inireklamo ang suspek na mabilis namang nasakote ng pulisya.
Si Rivera ay nahaharap ngayon sa kasong rape.