Misis ng OFW himalang nabuhay sa 46 na saksak

Malaking himala na nakaligtas sa kamatayan ang isang 33-anyos na misis ng isang overseas Filipino worker makaraang pagsasaksakin ito ng 46 beses ng isang lalaki na pumasok sa kanyang bahay para magnakaw kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Base sa ulat ng tanggapan ni Senior Inspector Dennis Odtuhan, pasado alas-11:00 ng gabi patulog na sana ang biktimang si Joan Bongares nang makarinig ng ingay na tila may puwersahang pumasok sa pintuan ng kanyang bahay na matatagpuan sa Gonzales St., Barangay 167, Llano ng nasabing lungsod.

Agad niya itong inusisa at laking gulat nang makita ang suspek na si Michael Franco, 38-an­yos, na nasa kusina ng kanyang bahay.

Nagsisigaw si Bongares at humingi ng saklolo sa mga kapitbahay ngunit agad siyang sinunggaban ni Franco.
Nakapulot ang suspek ng tinidor at pinagsasaksak si Bongares sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Pero hindi nagpatalo ang biktima at kahit sugatan na ay nanlalaban pa rin kay Franco.

Nang maramdaman ng suspek na tila hindi tinatablan ang biktima sa mga tusok ng tinidor ay kumuha ito ng kutsilyo at ice pick saka hinalihaw muli si Bongares na umabot sa 46 beses na saksak lahat.

Pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek ngunit hinabol siya ng mga kapitbahay ni Bongares hanggang sa mahuli.
Isinugod naman ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan kung saan nilapatan agad ng lunas ang mga tinamo nitong sugat. Malayo na rin umano sa kapahamakan si Bongares at nagpapagaling na lang ito.

Habang nasa ospital ay iniharap sa kanya ang suspek at positibo itong itinuro ng biktima sa mga awtoridad na siyang sumaksak sa kanya.

Inamin ng suspek na bago siya pumasok sa bahay ni Bongares ay nakipag-inuman muna. Idinahilan pa nito na binuyo lang siya ng mga kainuman na magnakaw kaya nagawa niya ang krimen.

Hindi umano inaasahan ng suspek na gising pa ang tao sa loob ng bahay na kanyang pinasok at pinagsasaksak niya nang manlaban.

Pero, napag-alaman na ilang beses na rin pala nakulong ang suspek dahil sa iba’t ibang kaso kabilang ang iligal na droga. Nalaman din na miyembro ito ng Sputnik Gang.

Nakakulong na ito ngayon at nahaharap sa mga kasong robbery at frustrated homicide.