Puwede umanong maghain ang misis ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres ‘Andy’ Bautista na si Patricia Paz ‘Trish’ Bautista ng impeachment complaint laban sa asawa dahil siya ang may personal knowledge sa mga alegasyon nito laban sa kanyang mister.
Ito ang nabatid kay House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na naniniwalang malakas ang magiging kaso laban sa Comelec chief kapag misis niya ang naghain ng reklamo.
“Ayaw kong pangunahan ‘yung Committee on Justice. Pero kung gusto noong wife niya na mag-file ng impeachment complaint, puwede niyang i-file ‘yun sa House of Representatives and we have to process it… kasi may personal knowledge ‘yun,” ani Alvarez.
Ang huling iprinoseso ng nasabing komite na impeachment complaint ay ang kasong isinampa ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte subalit ibinasura ito dahil walang personal knowledge ang mambabatas sa kanyang mga alegasyon.
Walang impormasyon kung may plano ang misis ni Bautista na maghain ng impeachment complaint laban sa kanyang mister maliban sa mga ulat na nagkakasuhan na ang mag-asawa sa korte.
Kamakalawa ng gabi ay binasa na sa plenaryo ang resolusyon na inihain ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque para imbestigahan ng House committee on good government and public accountability ang alegasyon ni Mrs. Bautista laban sa kanyang mister subalit ibinalik ito sa Rules Committee.