Misis sinaksak saka sinunog ang bahay

Sinaksak muna ang kanyang ka-live in at saka sinunog ng isang desperadong lalaki ang kanilang bahay na naging sanhi ng kanyang kamatayan kahapon ng umaga sa isang residential house sa San Andres Bukid, Maynila.

Natagpuang walang buhay sa loob ng comfort room ang suspek na si Roel, ng San Andres Bukid habang isinugod naman sa Ospital ng Maynila ang kanyang ka–live in na si Ann at ngayo’y nakaratay dahil sa dalawang tama ng saksak sa tiyan.

Ilang minuto ang nakalipas ay nakitang luma­labas ng bahay si Ann at humihingi ng tulong na maisugod sa pagamutan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, nag-away umano ang mag-live in dahil sa selos at utang.

Nalaman na nag-agawan pa umano sa kutsilyo ang mag-live in at naagaw ito ng babae kaya nagawang makalabas ng bahay at makahingi ng tulong.

Hinatak naman ng lalaki ang kanilang gasul at sinilaban na naging dahilan ng sunog.

Nabatid na nagkulong sa CR ang suspek nang magsimula nang lumiyab ang bahay at nasawi dahil sa suffocation.

Idineklarang fire-out dakong alas-11:31 ng umaga ang sunog. (Juliet de Loza-Cudia)