Kritikal ang kalaga­yan ng isang ginang at damay din ang 3-anyos nitong anak nang sunugin ng sariling padre de pamilya sa Silay City, Negros Occidental.

Nagtamo ng second degree burn sa mukha at katawan ang 23-anyos na ginang at anak nito, na kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan, habang kusang sumuko sa pulisya ang 22-anyos na suspek na si Cedie Gulmatico.

Sa imbestigasyon, nangyari umano ang pagsunog sa mag-ina matapos ang away ng mag-asawa na nag-ugat sa selos at pambibintang umano ni Gulmatico na may kalaguyo ang kanyang asawa at nagbebenta umano ng katawan, na mariin namang itinanggi ng huli.

Ayon kay Supt. Noel Polines, hepe ng ­Silay City Police Office, naganap ang krimen dakong alas-3:30 ng madaling-araw noong Linggo sa loob ng bahay ng pamilya sa Barangay Mambulac ng nabatid na lungsod.

Nalaman na duma­ting ang suspek at ina­butang mahimbing na natutulog ang mag-ina. Dito na umano sinabu­yan ni Gulmatico ng gasolina ang kanyang asawa at sinilaban ng lighter. Katabi ng ginang ang anak kaya nadamay itong nasunog.

Nakakulong na ang suspek sa Silay City ­Police detention cell at sinampahan ng kasong frustrated homicide.