Dahil sa pagtanggi sa pakikipagtalik, isang misis ang nakaratay ngayon sa pagamutan matapos itong saksakin sa ulo at tadyang ng kanyang esposo sa Surigao del Norte.
Kinilala ang biktimang si Elvie, (‘di tunay na pangalan), 34, habang ang suspek ay nakilala namang si Nicolas, 38-anyos, kapwa taga-Surigao del Norte.
Batay sa nakalap na ulat, ayon na rin sa pahayag ni Police Senior Insp. Florence Pacleb, hepe ng Mainit Municipal Police Station, nagsimula umano ang krimen nang magalit ang suspek makaraang tanggihan ng kanyang misis ang pangangalabit nito.
Dahil sa pagkabitin ay kumuha ng kutsilyo ang esposo at sinaksak ang kabiyak sa kanyang ulo at sa tadyang.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapagaling ang ginang matapos operahan habang si Nicolas ay nasa kostudiya na ngayon ng pulisya at nahaharap sa kasong frustrated murder.