Habang tumatagal, unti-unti namang nakakaranas ng ginhawa sa buhay si Jennifer dahil sapat ang ipinapadalang salapi ni Ernesto para sa kanilang mag-ina at nabibili niya ang mga wastong gamit at pangangailangan ng bata.
Mabilis na lumipas ang isang taon at dito na nakita ang tunay na pag-uugali ni Jennifer dahil hinanap-hanap na niya ang dati niyang ginagawa noong nagtatrabaho pa siya sa beerhouse, kabilang na ang pag-inom ng alak.
Nang minsang kumbidahin niya ang kanyang mga naging kaibigan sa beerhouse na dating pinagtatrabahuhan, mistulang bumalik sa alaala ni Jennifer ang masarap na buhay noong wala pa siyang anak at pananagutan sa buhay.
Mula noon, madalas ay nagkakaroon na ng inuman sa kanilang bahay, kasama ang ilang kalalakihan na kanyang mga kaibigan na hindi naman nalingid sa kaalaman ng mga kapatid ni Ernesto lalo na’t dumadalaw paminsan-minsan ang mga ito sa kanilang pamangkin.
Una’y hindi masyadong binigyang-pansin ng mga kapatid ni Ernesto ang pagpapatuloy ng hipag ng kanyang mga kaibigan sa loob ng kanilang bahay para mag-inuman subalit nang kumalat ang balita sa kanilang lugar hinggil sa pagbibigay ng espesyal na pagtingin ni Jennifer sa isang kaedad niya, nabahala na ang magkakapatid.
Nahabag sila sa posibleng mangyari sa kanilang kuya kapag natuklasan na ang salaping pinaghihirapan at ipinapadala sa asawa ay nauuwi lamang sa pakikipag-inuman ng hipag at posibleng ang mga kaibigang lalaki nito ang nakikinabang.
Gayunman, mas pinili pa rin ng magkakapatid na ilihim sa kanilang kuya ang hinala lalo na’t mula’t sapul ay batid naman ng kanilang kapatid na hindi sila sang-ayon sa pagpapakasal nito sa asawa. Nangangamba sila na baka isipin pa ng kanilang kuya na gumagawa lang sila ng kuwento upang tuluyan silang magkahiwalay ni Jennifer.
Lumipas pa ang ilang buwan nang basagin mismo ni Ernesto ang kanilang katahimikan makaraang mag-text ang kanilang kuya sa isa nilang kapatid upang magtanong kung bakit madalang nang sumagot ang asawa sa kanyang mga mensahe.
Dito na sinabi ng isa sa mga kapatid ni Ernesto ang ginagawa ng kanilang hipag na pagpapatuloy at pagpapainom nang madalas sa kanyang mga kaibigang lalaki sa loob ng kanilang tirahan bagama’t hindi niya binanggit ang hinala na isa rito’y posibleng kalaguyo ng hipag dahil wala naman siyang pinanghahawakang ebidensiya kundi ang usap-usapan lang sa lugar.
Nang makarating sa kaalaman ni Ernesto ang ginagawa ng asawa, nagpasya siyang umuwi upang alamin ang katotohanan sa likod ng mga sumbong at mga balitang nakakarating sa kanya.