HINDI ko na uulitin pa ang IG post ng isang nilalang na fictitious alias ang ginamit na thegoodfindforyou @jologs75. Kung tala­gang matapang ka, tunay mong pangalan ang gagamitin mo.

Kung ano man ang iyong kasarian at pagkatao, hindi maikakailang may superiority complex ka, feeling entitled at yes oh yes, feeling may privilege na magsuplada.

Di maitatago na you look down on other people at in the ivory to­wer where you reside, ang dramarama mo, hindi mo kauri ang iba.

Hindi ka na rin siguro magtataka kung ipamumukha ko sa iyo na wala kang paggalang sa mas nakakatanda sa iyo.

Kung pinag-aral ka man sa private at mamahalin ang tuition fees that your parentals settled…

Kung tunay kang nasa alta sociedad, may posibilidad na hindi maayos ang pagpapalaki sa iyo at kapos ka sa parental gui­dance at love.

Honey, you can always buy education but never breeding.

Saan galing ang poot mo kay Ms. Lolit Solis?

Kilala mo ba siya personally para i-label siya as “whatever she call herself.”

Wow! Ang taas-taas mo talaga!

Alam mo ba ang mga giyerang pinagdaanan niya sa buhay at kung paano niya na-survive ang mga ito para pagsalitaan mo siya na akala mo dugong-bughaw ka?

‘Yung mga taong nanalig sa kanyang kabutihan bilang tao at husay bilang tagapangalaga sa kanilang karera sa showbiz, sa pakiwari mo ba, magtatagal at magi­ging loyal sila kay Ms. Solis kung hindi ito mabuti at mabait?

Gusto mo bang isa-isahin ko pa ang mga talent under care?

May time kang magmaldita. Tiyak na may time mag-Google. Pa­kihanap sa search engine kung sinu-sino ang mga artistang inaalagaan ni Ms. Lolit.

Oo, mapagbiro siya. Oo, nagmamaldita at nagmamataray. Intrigera at pang-inis kadalasan.

Pero for you to see her as uneducated and uncivilized, ikaw ang mas malala ang tama.

In the many instan­ces na nakasalamuha ko si Ms. Lolit, lagi itong magiliw sa diva that you love.

Unang bumabati, sinasabing binabasa ang mga isinusulat ko sa aming mapagpalayang pahayagan, at pinaniniwalaan ko ito.

Pag nakikita niya ako, parati siyang tuwang-tuwa at may tunay na galak sa kanyang boses.

Sa kasal ni Congressman Alfred at Yasmien Vargas, sa reception, ilang beses siyang dumaan sa aming mesa.

Isang tulip at orchid ang una niyang binigay sa akin bilang pagbati.

Sa pangalawang pagkakataon, ipinakilala niya si Jerome Ang. Sa pangatlong pagkakataon, pinisil ako sa balikat na parang nanay na tuwang-tuwang dumalo ako sa kasalan ng kanyang anak-anakang si Cong. Vargas.

Pwede naman niya akong daan-daanan lamang at huwag pansinin, but all the little acts of kindness na ipi­nakita niya during the wedding at dati pa, she never made me feel left out. Lagi kong nararamdaman ang importansya at respetong ibinibigay niya sa akin.

Hindi ko maatim na tawagin siyang tita o manay. Lagi siyang Miss Lolit.

Ganun din ang tawag ko sa mga guro ko nu’ng ako ay nag-aaral pa. La­ging may Miss bago ang kanilang pangalan, pagbibigay galang sa mas nakakatanda at nagtuturo sa akin.

Kaya sa iyo, miss or mister anonymous, sana’y nahimasmasmasan ka na sa pagmamaganda mo.

Sa pangyayaring ito, ikaw ang lumabas na kahiya-hiya at walang urbanidad.

Si Miss Lolit Solis ay isa sa mga tanging ina sa showbusiness. Kaunting preno naman.

Respeto, please.

One Response