Tagumpay sa ikalawan­g sunod na pagkakataon na makapasok ang Pilipinas sa FIBA World Cup.

Una nating nakamit noong 2014 ang kara­ngalan nang talunin ng PH quintet ang South Korea sa MOA Arena at naging daan upang makapaglaro tayo sa Spain FIBA World Cup.

Sulit ang pagpupuyat ng marami nating kababayan noong Linggo nang gabi na nanood sa television o livestream ng laban kontra Kazakhstan. Umpisa pa lang ng laban ay makikita na agad ang determinasyon na manalo ng ating mga manlalaro sa pangunguna ni Andray Blatche.

Sunod-sunod na 3-point shot agad ang pinakawalan ng ating naturalized player na si Andray Blatche. Binalikat niya ang Pilipinas sa bisa ng 41 points, 13 rebounds, 4 steals at 2 blocks, at nang mawala ang usok ng giyera, panalo ang ‘Pinas, 93-75.

Unang tinalo ng Nationals ang Qatar, 84-46, sa Doha bago ang huling laro laban sa Kazakhstanis sa Astana.

Matamis na tagumpay ito para sa Team PH na dumaan sa iba’t ibang pagsubok marating lang ang Olympics ng basketball. Matatandaan na napaaway at nasuspinde pa ang karamihan ng ating mga manlalaro laban sa Australia noong Hulyo sa Bulacan.

Nahirang na bagong coach si Yeng Guiao bilang kapalit ni Chot Reyes. Bagong sistema at bagong pool ng players ang ating inilaban na nagresulta na matalo ang Nationals ng tatlong beses sa huling anim na laro.

Tumaob tayo sa Iran ng dalawang beses at sumubsob din sa Kazakhstan noong Nobyembre. Pero hindi ito naging hadlang upang mas maging pursigido ang National team na makabawi sa lahat ng mga pinagdaanan.
Isa-isang nakabalik ang mga nasuspinde nating manlalaro na sina Jayson Castro, Japeth Aguilar, Troy Rosario, RR Pogoy at Blatche na lalong nagpalakas ng ating pambansang koponan.

Sa Agosto na ang simula ng 2019 FIBA World Cup sa China. Maglalaro sa tournament na ito ang mga mahuhusay na basketball players sa buong mundo.

Muling masisilayan ang husay ng Pilipinas Basketball, na 2014 ay tayo lamang ang natatangin­g bansang Asyano na nakapanalo ng laro nang ta­lunin natin ang Senegal.

Hangad natin na mas maganda ang maging preparasyon at resulta ng ating mga laro sa dara­ting na Agosto.

Congratulations sa lahat ng bumubuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas! Laban Pilipinas.
Puso!