Mistaken identity sa inarestong kolumnista pinalagan ng NUJP

Pumalag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa ginawang pag-aresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay Davao Today columnist Fidelina Margarita Valle habang nasa Laguindingan Airport ito noong Linggo nang umaga.

Lumalabas kasi na mistaken identity ang pagkakaaresto kay Valle dahil ang arrest warrant na ginamit laban sa kanya ay nakapangalan sa isang Elsa Renton na gumagamit ng mga alyas na Tina Maglaya at Fidelina Margarita Valle y Avellanosa.

Dinala si Valle sa tanggapan ng CIDG sa Zamboanga City pero pinakawalan din ito kalaunan matapos umanong kumpirmahin ng impormante ng CIDG na hindi ito ang suspek na hinahanap nila.

Batay sa arrest warrant, nahaharap ang suspek na si Elsa Renton sa mga kasong multiple murder, frustrated murder at damage to government property.

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na mistaken identity ang pagkakaaresto sa 61-anyos na journalist.

Pero sinabi ni Albayalde na isolated case ang insidente.

“’Yung pag-aresto talagang hindi lang yata first time ‘yan. There are isolated cases also of mistaken identities sa mga tao natin kasi kung minsan nagkakamali ‘yung nagtuturo,” ani Albayalde.

Kasabay nito, inatasan ni Albayalde ang PNP Internal Affairs Service (IAS) na imbestigahan ang insidente para malaman ang mga pagkakamaling nagawa ng mga pulis na sangkot sa pag-aresto kay Valle.

Kinondena naman ng NUJP ang insidente at tinawag nitong ‘criminal abduction’ ang ginawa kay Valle na anila’y isang beteranong community journalist at development worker.

“How else do authorities explain why Ms. Valle was held incommunicado for hours even as the police issued a statement saying she was facing multiple crimes from a decade ago, only to admit they had the wrong person? This is the equivalent of ‘shoot now, ask questions later’,” pahayag ng NUJP na inilabas sa Facebook page nito.

Iginiit ng NUJP na panagutin at parusahan ang mga police at military personnel na sangkot sa maling pag-aresto kay Valle. (W/PNA)