Arestado ang isang mister nang ireklamo ng panghihipo sa isang grade 12 student sa Ba­yan ng Pateros kamakalawa nang gabi.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Pateros Police Station at nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (Child Abuse Law) ang suspek na si Walter Cerojano y Carolino, 38, may-asawa, nakatira sa No. 340 Chico St., Brgy. Cembo, Makati City.

Itinago naman sa pa­ngalang Grace, 17, ang estudyanteng biktima.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-2) ang suspek sa Plaza De Borja sa B. Morcilla St., Poblacion sa bayan ng Pateros alas-9:25 nang gabi.

Sa imbestigasyon ni S/Sgt. Jenalyn Mallilin, naglalakad ang dalagita sa lugar nang lapitan ng suspek at laking gulat nito nang panggigilang hawakan ng suspek ang kanyang puwet.

Kaagad namang nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na sina Cpl. Chad Buyogan at Cpl. Lan Arnoll Balong na malapit sa lugar na naging dahilan ng pagkakadakip ng suspek.

Agad namang dinala ang suspek sa nasabing himpilan ng pulisya at nahaharap sa kaso.

Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang suspek hinggil sa insidente. (Armida Rico)