Bagama’t pitong taon na ang nakalipas, hindi pa rin umano naka-move on ang isang vendor nang iwanan at sumama sa ibang lalaki ang kanyang misis kaya minabuting wakasan ang nararamdamang ‘emotional depression’ sa pamamagitan nang pagsaksak sa sarili sa Quezon City.
Sa report kay P/Sr. Insp. Rene T. Balmaceda ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, alas-siyete nang umaga kahapon (Marso 16) nang matagpuan ang duguang katawan ng biktimang itinago sa pangalang Mark, 46, sa kaniyang silid sa Brgy. Batasan Hills, QC.
Sa imbestigasyon ni PO3 Roldan Cornejo, ng CIDU-QCPD, nalaman lamang na nagpakamatay si Mark nang tumawag ang kanyang hipag sa pinsan dahil hindi umano sumasagot sa kaniyang cellphone ang una.
Tinawagan naman ni Apolinario ang anak ni Mark na noon ay natutulog lamang sa kaniyang silid.
Nang buksan ng anak ang pintuan ng silid ng ama ay bumungad ang duguang katawan nito na nakabulagta sa kama.
Nabatid na taong 2012 nang hiwalayan si Mark ng kabiyak at sumama sa ibang lalaki na labis na ikinalungkot ni Mark.