Mister na pumatay sa asawa humiling na mapawalang-sala

Part 11

Matapos ang pagpi-prisinta ng tagausig ng mga ebidensiya, pati na rin ang depensa ng mga testigo at pagsasailalim sa kanila sa cross examination, napatunayan ng hukuman na nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong parricide si Manuel noong Agosto 18, 2009 at pinatawan ng parusang reclusion perpetua.

Bukod sa naturang hatol, inatasan din ni Judge Alphinor Serrano ng Branch 6 ng Tacloban RTC si Manuel na bayaran ang naulila ng biktimang si Aurea ng kabuuang P100,000 bilang civil indemnity at moral damages.

Nakasaad sa naturang desisyon na binigyang bigat ng huuman ang testimonya ng mga testigo ng tagausig habang kaduda-duda naman at hindi angkop sa wastong karanasan ng isang tao ang pahayag ng akusado.

Nabigong makumbinsi ng akusado ang hukuman na ang pagkakasaksak niya sa kanyang asawa ay isa lamang aksidente matapos na salagin ang ulos niya ng patalim sa lalaking kasama nito sa silid gayung malinaw ang narinig ng mga testigo na humihingi ng saklolo ni Auria dahil papatayin siya ng kanyang asawa..

Hindi rin pinaniwalaan ng hukuman ang pahayag ni Manuel na may kasamang lalaki ang kanyang asawa sa loob ng kanilang silid dahil kung totoo man ito, natural lamang na magtatakbo ng palabas ang lalaki kung mayroon man nang lumabas ng silid ang akusado para kumuha ng patalim.

Naniniwala rin ang hukuman na sadyang sinugatan ng akusado ang kanyang sarili upang gamitin ito bilang depensa sa kanyang sarili lalu na’t nasaksihan pa mismo ng mga testigo ang kanyang ginawang pagsaksak sa sarili.

Hindi naman nawalan ng pag-asa ang abogado ng akusado at kaagad na umapela sa Court of Appeals (CA) sa paniwalang nagkamali ang mababang hukuman sa ibinabang hatol laban kay Manuel.

Gayunman, noong Hunyo 28, 2013, naglabas ng desisyon ang Appellate Court sa pamamagitan ni Associate Justice Pamela Ann Abella Maxino na sinangayunan din nina Associate Justices Edgardo Delos Santos at Maria Elisa Sempio Diy na kumakatig sa naging hatol ng mababang hukuman.

Bukod sa P100,000.00 civil indemnity at moral damages, pinagbabayad din ng mga mahistrado ng Court of Appeals si Manuel ng karagdagang P25,000. Bilang temperate damages at P30,000 bilang exemplary damages na may kaukulang interes na anim na porsiyento kada taon hanggang sa tuluyang mabayaran ang kabuuan.

Ayon sa mga mahistrado ng CA, ang lahat ng elemento sa kasong parricide ay tumutugon sa naturang usapin at bagama’t hindi aktuwal na nasaksihan ni Gng. Angeles ang ginawang pananaksak ng akusado sa kanyang asawang si Auria, nakapagprisinta naman ng sapat na ebidensiya ang tagausig upang suportahan ang ipinataw na hatol.

Sa pananaw ng mga mahistrado, ang kasong inihain ng tagausig ay lalu pang lumakas sa ginawang pag-amin ni Manuel na siya nga ang sumaksak sa kanyang asawa. Bukod dito, ang kanyang ginawang krimen ay hindi saklaw ng umiiral na batas sa ilalim ng Kodigo Penal na nagpapawalang sala sa akusadong nakapatay ng hindi sinasadya.

Bunga ng pagkatig ng CA sa desisyon ng Tacloban RTC, ini-akyat ng kampo ni Manuel sa Kataas-taasang Hukuman ang naturang usapin sa pag-asang mababaligtad ng mga mahistrado ang desisyon ng mababang hukuman, pati na ang pagkatig dito ng Appellate Court.

Tinanggap naman ng Korte Suprema ang pagrerebisa sa naturang usapin upang alamin kung naging wasto ang hatol sa akusado at natalaga sa First Division na kinabibilangan ng mga naging Supreme Court Chief Justices na sina Maria Lourdes Serreno bilang Chairperson, Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin at Justice Estela Perlas Bernabe.

Noong Marso 12, 2003, inatasan ng mga mahistrado ang tagausig at depensa na magsumite ng kani-kanilang maikling paliwanag sa usapin sa loob ng 30-araw na magsisimula sa panahong natanggap nila ang abiso.

Gayunman kapuwa nagpahayag ang magkabilang kampo na hindi na sila magsusumite ng karagdagang paliwanag sa usapin dahil ang lahat ng mga kinakailangang malaman ay natalakay na sa mababang hukuman at maging sa Court of Appeals.

Matapos ang masusing pagsusuri ng mga mahistrado ng Mataas na Hukuman sa lahat ng mga dokumento, testimonya at ang ginawang direktang pagtatanong at pagsusuri ng depensa at tagausig sa mga testigo at maging sa akusado, naglabas ng desisyon noong Enero 13, 2016 ang First Division na nagpapatibay sa naging hatol ng mababang hukuman at ng Appellate Court.

Binanggit ng mga mahistrado sa kanilang pagpapatibay sa hatol na reclusion perpetua o pagkakabilanggo ng hindi bababa sa 40-taon sa akusado ang hindi tugma sa karaniwang pag-uugali ng isang tao na nakagawa ng hindi sinasadyang krimen.

Ayon sa mga mahistrado, kung talagang aksidente lang ang pagkakasaksak ni Manuel sa asawang si Auria, ang nararapat na maging aksiyon niya ay ang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit sa halip na ito ang kanyang gawin, mas minabuti pa ng akusado na gamitin ang hawak na patalim para saksakin ang kanyang sarili.

Bukod dito, hindi rin normal sa isang lalaki na takasan ang nagawang pananaksak sa asawa kung talagang hindi niya ito sinasadya at hayaan ang mga kaanak ng biktima at kaptibahay na magdala sa nag-aagaw-buhay niyang may-bahay sa pagamutan na malinaw na isang indikasyon ng pag-amin sa kasalanan

Binigyang pansin din ng Mataas na Hukuman ang pagsusuri ng CA kung masasakop ng batas sa ilalim ng Article 247 ng Revised Penal Code ang usapin kung saan napapawalang-sala ang isang akusado na nakapatay sa asawa o sa kalaguyo nito.

Ayon sa Korte Suprema, ipagpalagay na inabutan ni Manuel ang asawang si Auria, kasama ang isang lalaki sa loob ng kanilang silid, hindi pa rin ito nangangahulugan na dapat siyang mapawalang-sala sa pagpatay sa asawa dahil sa pagkabigong mapatunayan ang mga kinakailangang elemento sa ilalim ng Kodigo Penal.
Nakasaad ang isa sa napakahalagang elemento sa naturang batas na mapapawalang-sala lamang ang akusado sa pagpatay sa kanyang asawa o kalaguyo nito kung bilang legal na asawa ay mahuhuli niya sa akto ang dalawa na nagtatalik.

Sa naturang usapin, inamin ng akusado na nahuli niya ang asawang si Auria at isang lalaki sa loob ng kanilang silid na magkatabi sa upuan at nag-uusap lamang na malinaw na hindi sakop ng elemento ng batas sa ilalim Article 247 ng Kodigo Penal ang kanyang apela na mapawalang-sala sa krimen.

Bukod sa pagpapatibay sa naunang desisyon ng Court of Appeals na naghahatol ng parusang reclusion perpetua laban sa akusado, inatasan din ng Mataas na Hukuman si Manuel Macal na bayaran ang mga naulilang pamilya ng kanyang asawang si Auria Ytac Macal ng P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages, P30,000 bilang exemplary damages at P25,000 bilang temperate damages na may kaukulang anim na porsiyentong interes kada taon hanggang hindi nababayaran ng buo ang kaukulang danyos.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-