Mister na pumatay sa asawa humiling na mapawalang-sala

Part 2

Sa paniwala naman ng isang mahistrado ng Korte Suprema, hindi na bago ang pagkakaroon ng matinding pag-aaway ng isang mag-asawa subalit hindi makatarungan kung tatapusin sa dahas o pagpaslang ng lalaki ang matinding alitan at akusasyon sa pagitan nila ng kanyang maybahay dahil ang pagpaslang ng isang ama ng tahanan sa kanyang kabiyak na kung tagurian ay kaso ng parricide ay maituturing na kakila-kilabot na pamamaraan na may mas mabigat na kaparusahan kumpara sa kasong pagpatay.

Sa isang kaso ng nangyaring pagpatay sa kanyang asawa na idinulog sa Mataas na Hukuman ng akusadong si Manuel Macay, hiniling niya na rebisahing mabuti ng mga mahistrado ang usapin at suriin ang kanyang mga inilatag na depensa kung bakit humantong sa kamatayan ng kanyang asawa ang pangyayari.

Bago nangyari ang insidente ng pamamaslang, masayang nabubuhay ang mag-asawang Manuel at Auria Macal sa pi­ling ng kanilang dalawang naging supling sa isang subdivision sa malayong lalawigan ng Tacloban City.

Dahil na rin sa kakapusan sa buhay, tinanggap ni Manuel ang alok ng kanyang biyenang babae na si Angeles Ytac na sa kanila na muna manuluyan silang mag-asawa upang hindi na sila maghanap pa ng mauupahan.

May kalakihan ang tinutuluyang bahay ng bi­yenang babae ni Manuel sa Barangay 109 V & G Subdivision Tacloban City na pag-aari ng nakatatandang kapatid ni Gng. Angeles na si Qurino Ragub.

Nagpasya ang kapatid ni Angeles na ipagkatiwala muna sa kanyang kapatid ang naturang bahay matapos magpasyang manirahan na nang tuluyan sa bansang Canada.

Sapat naman ang laki ng naturang bahay upang mabigyan ng sarili nilang silid ang mag-asawang Manuel at Auria kahit pa nga kasama rin nila sa bahay ang iba pang anak ni Gng. Angeles na sina Ca­therine, Jessica at Arvin Ytac.

Bago nagpasyang tanggapin ni Manuel ang alok ng kanyang biyenang babae na sa kanila na manuluyan ang mag-asawa, naninirahan ang dalawa sa lungsod ng Maynila kung saan sila nagpasyang magpakasal noong Marso ng taong 2000.

Hindi maikakaila na hirap sa buhay ang mag-asawa lalo na’t hindi naman kalakihan ang sahod ni Manuel bilang security guard kaya’t nang isilang ni Auria ang ikalawa nilang anak na lalaki, lalo pa silang dumanas ng pagdarahop.

Sa kabila ng kahirapan sa buhay, kinakitaan pa rin ng katatagan sa kanilang pagsasama ang mag-asawa lalo na’t nagsisilbing inspirasyon sa kanila ang dalawa nilang supling.

Gayunman, hindi naging madali para kay Manuel na matupad ang pangarap nilang mag-asawa na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang dalawang anak bu­nga ng kakapusan nila sa materyal na bagay.

Hindi naman nakaila sa ina at kapatid ni Auria ang nararanasang pagdarahop ng mag-asawa kaya’t hinimok nila ang dalawa na umuwi na lamang sa Tac­loban City at doon na lamang manirahan.