Part 5

Hindi pa nasisimulan ang paghahain ng pagkain nang marinig ni Gng. Angeles ang pagsigaw ng kanyang anak na si Auria mula sa kanilang silid ng mag-asawa na humihingi ng saklolo dahil aniya ay papatayin siya ng kanyang asawa.

Narinig din ng kanyang mga kapatid ang palahaw ng paghingi ng tulong ni Auria kaya’t halos sabay-sabay nilang tinungo ang silid suba­lit hindi nila mabuksan ang pintuan nito dahil nakakandado mula sa loob.

Pinalayo naman ng bahagya ni Arvin ang ina at mga kapatid upang kumuha ng buwelo sabay sipa ng malakas sa pintuan hanggang sa mabuksan.

Tumambad sa paningin ni Gng. Angeles at mga anak ang duguang katawan ni Auria na may tama ng saksak sa dibdib at nakahandusay sa isang sulok ng silid habang ang kanyang asawang si Manuel na may hawak na belt buckle o hibilya ng sinturon na may patalim sa dulo at sinasaksak ang kanyang sarili.

Kaagad namang binuhat ni Arvin at ng kaibigang si Erwin ang duguang katawan ni Auria habang nakisuyo naman si Gng. Angeles sa kanilang kapitbahay na mahiram ang sasak­yan upang maisugod sa pinakamalapit na paga­mutan ang anak.

Ilang mga kapitbahay naman ng pamilya Ytac ang nagpabatid sa mga kagawad ng pulisya hinggil sa na­turang krimen subalit bago pa man makapag-responde ang mga alagad ng batas ay nakatakas na si Manuel matapos dumaan sa likuran ng bahay at tumalon sa pader na nagsisilbing bakod ng kanilang bahay.

Hindi naman umabot na ng buhay sa pagamutan si Auria sanhi ng malalim na tama ng saksak sa dibdib na labis na ikinabigla ng anak ng ­biktima at ng lola niyang si Gng. Angeles at mga kapatid.