Mister na pumatay sa asawa humiling na mapawalang-sala

Part 7

Hindi na isinailalim sa preliminary investigation ng tagausig ang usapin dahil sapat na ang mga testigo na nakasaksi sa pangyayari kaya’t nai-akyat kaagad sa Tacloban City Regional Trial Court (RTC) ang kaso kung saan isinagawa ang pag-raffle.

Bumagsak naman sa sala ni Tacloban RTC Judge Alphinor Serrano ng Branch 6 ang kasong “parricide” na kaagad nagtakda ng pagbasa ng demanda noong Hulyo 7, 2003 kung saan nagpahayag ng “not guilty plea” ang akusado.

Matapos ang pagbasa ng demanda, itinakda naman ang pre-trial conference kung saan nagsilbi bilang tagausig na pamahalaan si Tacloban City Prosecutor Pecival Dolina habang naging abogado naman ng depensa si Atty. Emelinda Maquilan na kapuwa nagpahayag na legal na asawa nga ng akusado ang napaslang na si Auria.

Sa kasagsagan ng paglilitis, iprinisinta ni Prosecutor Percival Dolina ang mga testigo kabilang ang ina ng napaslang na si Auria na si Gng. Angeles Ytac at ang kaibigan ng mga anak na si Erwin Silvano.

Sa pahayag sa korte ng ina ni Auria, dakong ala-1:30 ng madaling araw habang naglalakad na silang pauwi, kasama ang kanyang mga anak na sina Auria, Catherine, Jessica at Arvin, sumabay sa kanila ang mga kaibigan ng kanyang mga anak, kabilang si Erwin, matapos silang mag-usap na ubusin ang natirang pagkain na handa sa kapistahan.

Malapit na sila sa kanilang tirahan nang masalubong nila si Manuel na dumating galing Maynila at sumabay na sa kanila pauwi. Pagdating aniya sa kanilang bahay ay pumasok kaagad sa silid ang mag-asawa habang nanatili ang kanyang mga anak at kaibigan sa sala ng bahay,

Makalipas lamang ang ilang minuto ay narinig na aniya niya ang palahaw ng anak na si Auria na humihingi ng saklolo dahil papatayin aniya siya ng kanyang asawang si Manuel kaya’t halos sabay-sabay silang nagtungo sa silid na noon ay nakakandado pa kaya’t sinipa ito ng anak niyang si Arvin upang mabuksan.

Kitang-kita aniya nila ang akusado na hawak pa ang hibilya ng sinturon na may nakausling patalim at sinasaksak ang kanyang sarili habang nakahandusay na sa lapag ang kanyang duguang anak na may tama ng malalim na saksak.

Ganito rin ang naging pahayag ni Erwin nang isalang siya ng tagausig bilang testigo at sinabing nakita rin niya si Manuel na hawak ang hebilya ng sinturon na may nakausling patalim at sinasaksak ang sarili.

Bukod sa iniharap na mga testigo, iprinisinta rin ni Prosecutor Dolina ang Certificate of Death ng napaslang na si Auria bilang ebidensiya na nagsasaad na hemorrahgic shock secondary to stab wound ang ikinasawi ng biktima.