Mister na pumatay sa asawa humiling na mapawalang-sala

Part 8

Matapos ang ginawang pagpi-prisinta ng mga ebidensiya at testigo ng tagausig, iniharap naman ni Atty. Emelinda Maquilan bilang testigo ng depensa sina Benito Billota na nakatabi ng akusado sa sinakyang bus patungong Tacloban city at Nerissa Alcantara, ang Administrative Officer at Office-In-Charge ng Records Section ng Eastern Visayas Regional Medical Center­ (EVRMC).

Nang isalang ng kanyang abogado si Manuel sa witness stand upang ipahayag ang kanyang panig sa nasabing krimen, hindi niya ikinaila na siya nga ang nakasaksak at nakapa­tay sa kanyang asawa subalit hiniling niya na mapawalang-sala siya ng hukuman dahil isa aniyang aksidente lamang ang nangyari at hindi niya ito sinadya.

Sa kanyang depensa sa hukuman, sinabi ni Manuel na nagtatrabaho siya bilang security guard sa lungsod ng Maynila at minsan lang sa isang taon aniya siya umuwi sa kanyang pamilya sa Tac­loban City.

Noong Pebrero 12, 2003, ipinasiya niyang­ umuwi sa kanyang pamilya sa bahay na tinutuluyan nila sa V & G Subdivision, Tacloban City upang dalawin ang asawa at anak.

Pagsapit aniya niya sa kanilang tirahan, ipinasiya niyang dumiretso sa silid nilang mag-asawa subalit hinarang siya ng kanyang bayaw na si Arvin at pinigilang pumasok sa kanilang silid.

Sinabihan umano siya ni Arvin na huwag na munang pumasok sa silid dahil may kasamang ibang lalaki ang kanyang asawang si Auria at baka humantong lang sa gulo at mapatay pa siya ng lalaki.

Sinabi ni Manuel na hindi niya pinakinggan ang babala sa kanya ng bayaw at sa halip ay tumuloy pa rin sa silid­ suba­lit nakakandado aniya ang pinto kaya’t malakas niya itong sinipa upang mabuksan.

Pagkabukas aniya ng pinto ay tumambad sa kanyang paningin ang kanyang asawa na nakaupo sa isang bahagi ng kanilang silid, katabi ang isang lalaki na hindi niya kilala.

Dito na aniya sumiklab ang kanyang galit at poot kaya’t dali-dali siyang lumabas ng silid upang kumuha ng patalim.

Hawak ang isang kutsilyo at hibilya ng kanyang sinturon na may nakalagay na patalim, nilapitan aniya niya ang lala­king katabi ng kanyang asawa at sa ubos lakas na inundayan niya ng saksak subalit biglang humarang ang kanyang asawa upang salagin ang patalim na nakalaan sa lalaki kaya’t hindi sinasadyang sa dibdib ni Auria tumusok ang patalim.