Mister na pumatay sa asawa humiling na mapawalang-sala

Part 9

Sinamantala aniya ng hindi niya kilalang lalaki ang kanyang labis na kabiglaanan nang masaksak niya ang kanyang asawa at mabilis na nagtatakbong palabas upang tumakas.

Sa labis na paghihimutok bunga ng pagkabigo niyang mapatay ang lalaki ipinasiya na rin sana niyang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang dibdib gamit ang hibilyang may patalim.

Gayunman, biglang aniya nagbalik ang kanyang katinuan sa pag-iisip kaya’t ipinasiya niyang umalis na lamang ng bahay nang makitang isinugod na ng kanyang bayaw at kaibigan ang kanyang asawa sa pagamutan,
Nagtungo aniya siya sa EVRMC upang ipagamot ang tinamo niyang saksak sa dibdib na sanhi ng tangka niyang pagpapakamatay.

Iniharap din ni Atty. Maquilan bilang testigo ng depensa si Nerissa Alcantara na siyang tumatayong officer-in-charge ng EVRMC upang iprisinta sa hukuman ang medical record ng attending physician na sumuri at gumamot kay Manuel upang patunayan na may tama rin ng saksak ang akusado.

Ayon kay Alcantara, batay sa medical record ni Manuel, nagtamo siya ng tatlong sentimetrong lalim ng sugat sa kaliwang bahagi ng dibdib na kung tagurian ay parasternal o malapit na sa gitna ng dibdib na sanhi ng saksak.

Iprinisinta rin ng abogado ng depensa si Benito Billota na nakasabay ni Manuel sa loob ng sinakyang Christoper Bus Line pauwi ng Tacloban city upang magpatunay na may lalaking nasa loob ng silid ng mag-asawa nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Billota, nagkapalagayang-loob sila ni Manuel nang magkatabi sila sa upuan ng pampasaherong bus na kanilang sinakyan patungo sa Tacloban city.

Dahil sa layo ng kanilang biyahe, marami silang napagkuwentuhan kaya’t kahit noon lamang sila nagkita ni Manuel ay naging palagay na ang loob nila sa isa’t-isa.

Nang sumapit aniya sa terminal ng Tacloban city ang bus bago mag ala-1 ng madaling araw, hinimok siya ni Manuel na magpa-umaga na lamang ng pag-uwi sa kanyang patutunguhang lugar sa halip na maghintay ng matagal sa terminal.