Dahil sa matinding depresyon ng isang 35-anyos na mister ng Overseas Filipino Worker (OFW) kinitil nito ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Valenzuela City Police ay ganap na alas-kuwatro pasado ng hapon nang madiskubre ng amang si Nonato Gatuz ang biktimang si Rogelio Gatuz na nakabigti sa loob ng silid nito gamit ang telephone cord.
Mabilis na kumuha ng pamutol ang amang Gatuz at ibinaba ang anak saka isinugod sa Valenzuela City Medical Center ngunit hindi na rin ito pinalad na mabuhay at idineklarang dead on arrival.
Ayon kina PO3 Ronaldo Subosa at PO3 Robin Santos, may hawak ng kaso, base umano sa ginawang cursory examination sa mga labi ng biktima ay wala namang nakitang palatandaan na may foul play sa insidente.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na mayroong marital problem ang biktima at misis nito na nagtatrabaho sa Brunei. At bago umano ang insidente ay nagpadala pa umano ang biktima ng mga mensahe sa pamilya ng kanyang misis habang mag-isang umiinom ng alak.
Hindi na idinitalye ng pulisya ang nilalaman ng mensahe ngunit nagpapakita umano iyon ng matinding depresyon ng biktima na siyang dahilan upang kitilin nito ang sariling buhay.