Patay ang isang 46-anyos na mister nang malapitan itong barilin sa ulo ng hindi pa kilalang gunman kamakalawa sa Pasay City.

Namatay noon din ang biktimang si Teofilo Cayabyab, naninirahan sa Malibay St., Pasay makaraang magtamo ng bala ng kalibre 45 baril sa ulo.

Sa report ni P/Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-11:10 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng EDSA at C. Jose St., Brgy. 159-17, Malibay.

Nakatayo ang biktima sa nabanggit na lugar nang biglang lumapit ang armadong suspek at walang salitang binaril ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Pagkatapos ng pamamaril ay mabilis nang tumakas ang suspek na naglakad lang.

Nilinaw naman ni Yang na ang pamamaril ay walang kinalaman sa halalan kahapon.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente. (Armida Rico)