Agaw-buhay ang isang mister nang pagtulungang gulpihin at saksakin ng dalawang lasing na sinaway nito dahil sa pambubulahaw at pag-iingay sa Navotas City, Lunes nang madaling-araw.
Nakaratay sa Tondo Medical Center si Gilbert Estrada, 39, ng Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS-Proper ng nasabing lungsod, sanhi ng mga pasa sa mukha, katawan at malalim na saksak sa sikmura.
Patakas na sana ang mga suspek na sina Ronald Loyas, 39, at Joven Herrera, 33, kapwa ng nasabing barangay, pero naabutan sila ng mga rumespondeng pulisya.
Sa pahayag ni Liza Nonoy, 29, live-in partner ni Gilbert, bandang alas-12:45 nang madaling-araw, mahimbing sila sa pagkakatulog nang maalimpungatan dahil sa sigaw ng dalawang lalaki sa labas ng kanilang bahay.
Nang mabatid ni Estrada na si Loyas ang nag-iingay ay tinanong niya ito kung may problema, dito na nagalit ang suspek at sinaksak ang biktima. Lumapit din si Herrera para suntukin at tadyakan pa si Loyas.
Kinasuhan ng frustrated homicide sina Ronald at Joven. (Orlan Linde)