Misuari binasahan ng kaso sa ₱77.26M textbook scam

Misuari binasahan ng kaso sa ₱77.26M textbook scam

Binasahan kahapon ng sakdal sa Sandiganbaya­n si Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari kaugnay sa kinakaharap nitong kaso na may kinalaman sa P77.26 milyong halaga ng mga textbook.

Nahaharap si Misuari sa dalawang kaso ng graft at malversation dahil umano sa ghost delivery ng mga textbook mula 2000 hanggang 2001 noong gobernador pa siya ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Pero hindi nagpasok ng plea si Misuari kung kaya isinaad sa record ng anti-graft court ang not guilty plea.
Isinagawa ang pagbasa ng sakdal laban kay Misuari bago ito payagan sa kanyang mosyon na makabiyahe papuntang United Arab Emirates at Morocco.

Matapos ang pagbasa ng sakdal ay pinaglagak ng Sandiganbayan Third Division ng P920,000 travel bond si Misuari.
Unang magtutungo ngayong araw si Misuari sa Abu Dhabi at sunod na pupunta sa Morocco sa Marso 11. Ina­asahang babalik siya ng Pilipinas sa pagitan ng Marso 17 hanggang 20.

Dadalo si Misuari sa Organization of Islamic Coo­peration Summit sa Abu Dhabi at sa Parliamentary Union of the OIC-Member States sa Rabat, Morocco.