MISYON NI GRETHCEL SA FINAL SEASON

Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
9:00 a.m. — Lyceum vs. Letran (w)
10:30 a.m. — JRU vs. Mapua (w)
1:00 p.m. — Opening Ceremony
2:00 p.m. — St. Benilde vs. Perpetual (w)
3:30 p.m. — San Sebastian vs. Arellano (w)
5:00 p.m. — San Beda vs. EAC (w)

Nasilat sa titulo ang San Sebastian Lady Stags noong nakaraang taon, misyon ni power-hitting Grethcel Soltones na bumawi at sungkitin ang korona sa pagbubukas ng 92nd Season.

Uumpisahan ni Soltones ito laban sa Arellano sa siklab ng NCAA women’s volleyball ngayon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Mapapalaban din agad ang tumalo sa Lady Stags sa titulo na College of Saint Benilde Lady ­Blazers kontra Perpetual Lady Altas.

Huling season na ni reigning back-to-back MVP Soltones kaya lahat gagawin para matulungan ang Baste na makopo ang titulo.

“This is my last season and I will give it my best to help us win a championship,” wika ni Soltones.

Dalawang sunod na runner-up finishes ang naiuwi ng Lady Stags.

“Hopefully, we’ll win it this year,” pahabol ni Soltones.

Masusubukan ang Lady Blazers laban sa Lady Altas na runner-up ng nakaraang buwan sa Uni Games sa Dumaguete na pinagkampeonan ng University of Sto. Tomas.

“It will be tougher this year because all of the teams are now looking to beat us,” ani St. Benilde coach Macky Carino.

Dadalo sa opening ce­remony sa ala-una ang mga miyembro ng Management Committee na sina chair Jose Mari Lacson, volleyball organizing chairman Dax Castellano ng St. Benilde at Peter Cayco ng Arellano.