Ang hindi nagawa sa Alaska, susubukang sungkitin ni Romeo Travis sa Magnolia – sungkitin ang titulo ng PBA Governors Cup.
Noong 2015 ay ipinarada ng Aces si Travis, nakarating hanggang Finals pero winalis sa apat na laro ng San Miguel Beermen.
Makalipas ang tatlong taon, balik ng PBA ang high school teammate at kaibigan ni LeBron James, suot na ang jersey ng Pambansang Manok Hotshots.
Naglarong may iniindang grade 2 hamstring strain sa Game 4 ng semifinals, pasabog ng PBA career-high 50 points si Travis para ihatid ang Magnolia sa 112-108 panalo kontra two-time defending champion Ginebra at dumiretso sa Finals.
Kabisado na ni coach Alex Compton ang laro ni Travis, pero hindi pa rin niya itinago ang papuri rito kahit nasa kabilang bench na ang dating import.
“The thing about Romeo is that he’s just so smart like he’s got a coach’s brain,” anang coach.
Kahit nakangiti, binanggit ni Compton na isa sa paplanuhin nila kung paano limitahan si Travis.
“We’ll see if we can limit Travis to less than 50 points. That’s going to be one of our game plans,” aniya matapos kalusin ng Aces ang Meralco 3-1 sa hiwalay nilang Final Four series noong Sabado. “He was incredible.”
Itatapat ni Compton kay Travis ang masipag ding si Mike Harris, nag-average ng 31.6 points at 19 rebounds sa huling tatlong panalo ng Aces.
Sa Dec. 5 sa MOA Arena sisiklab ang Game 1 ng best-of-seven Finals.