Binawi ng Games and Amusements Board (GAB) ang permit na maagang inisyu sa mga organizer ng World Slasher Cup (WSC) International Derby na ilalarga sana sa darating na May 18-24 sa Araneta Coliseum, Quezon City.

Inanunsiyo sa FB messenger ni GAB Chairman Abraham Kahlil Mitra ang hakbang dahil sa extension ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila hanggang May 15 sanhi ng coronavirus disease 2019.

Dahilan din ang aksiyon ng ahensya sa pagbabawal pa rin sa mga sports event ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases (MEID), na ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bawal pa rin ang mass gatherings kahit matapos ang Mayo 15.

“Sa ngayon ang sabong ay napapag-initan ng gobyerno dahil sa mga iilan na matigas ang ulo na nag tutupada,” ani Mitra. “Wag naman po ninyo idamay ang buong industriya kasi marami po nakasandal dito bilang hanap buhay.”
Kinatuwa rin ng tagapangulo ng GAB ang ginawi ng WSC organizers bilang pagtalima sa umiiral na batas laban sa pandemic outbreak, at malamang aniya na iurong sa Hunyo na sa ang pasabong.