Kalaboso ang isang hinihinalang miyembro ng ‘Cellphone Sangla’ modus matapos biktimahin ang isang binatilyo kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Senior Supt. Deanry Francisco, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang nadakip na suspect na si Mark Niño Migos, 19, ng Barangay 34 Pasay City.

Ayon kay PO3 Jhon Barraza, may hawak ng kaso, dakong alas-siyete ng hapon nang maganap ang panloloko ng suspect sa isang binatilyo sa Barangay 43 ng nasabing lungsod.
Kuwento ng biktima na itinago sa pangalang ‘Robin’, naghahanap siya ng mabibiling cellphone nang makilala ang suspect sa nasabing lugar.

Inalok umano ng suspect ang binatilyo ng cellphone ngunit nakasangla ito sa pawshop at kailangan tubusin para maibenta nang mura.

Nakipagkasunduan si Robin sa suspect na bibilhin nito ng halagang P1,200 kapalit ng P24,000 na halaga ng sinasabing nakasanglang cellphone.

Ngunit nang magkaabutan na ng pera ay iniwan na ang biktima sa isang eskinita sa Inquimboy corner Sandejas Sts. at pinagbantaan ito ng suspect na sasaksakin kapag sumunod.

Agad humingi ng tulong si Robin sa mga barangay tanod at pulisya kaya agad na naaresto ang suspect na binugbog ng taumbayan sa galit.

Aminado ang suspect na apat na beses na niyang ginagawa ang ganoong modus para magkapera.