Kamatayan ang kinahantungan ng isang miyembro ng Manesca drug group habang sugatan ang isang pulis matapos ang palitan ng putok sa buy-bust operation sa Imus City, Cavite.
Kinilala ang namatay na suspek na si Johnson Garcia alyas Ken, 59, ng Brgy. Alapan I-A, habang nagtamo ng daplis na tama ng bala si PO1 Reymart Balmes ng Imus City Police Station.
Sa ulat, dakong alas-3:20 Biyernes ng madaling-araw nang magsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations ang pulisya sa nasabing barangay.
Naramdaman umano ng suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya tumakas ito na nagresulta sa pursuit operation hanggang sa nakorner ng pulis ngunit imbes na sumuko ay pinaputukan ang mga awtoridad kung saan tinamaan si Balmes, ngunit ikinasawi ni Garcia.
Nakuha sa crime scene ang isang kalibre .38 na baril, mga bala at 3 sachet ng hinihinalang shabu.
Itinuturing na isa sa pinakamalaking grupo ang Manesca drug group na nag-ooperate ng droga sa Cavite.