Miyembro ng Samsodin Malawi Robbery Group, huli sa droga

Miyembro ng Samsodin Malawi Robbery Group, huli sa droga

Arestado ang isang miyembro ng notoryus na Samsodin Malawi Robbery Group kasama ang apat pang drug suspect sa ikinasang operasyon ng Parañaque City Police nitong Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala ni Police Col. Robin Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police, ang mga nadakip na suspek na sina Rolando Sulde, miyembro ng robbery group, 41; habang ang kanyang mga kasamahan ay sina Mark Anthony Tan, 32; Rico Dela Cerna, 28; Carlo Dela Cruz, 27, at Marivic Malong, 32.

Nabatid na pawang nasa drug watchlist ang mga suspek maliban kay Dela Cerna.

Batay sa report ng pulisya, alas-2:00 ng madaling-araw nang ikinasa ang buy-bust operation sa may San Juan de Coastal sa Barangay San Dionisio ng naturang lungsod.

Nagawang makabili ang mga pulis ng isang plastic sachet ng shabu kay Sulde dahilan para arestuhin na siya.

Nakumpiska sa kanyang posesyon ang apat pang maliit na plastic sachet ng shabu na kaniya ring ibinebenta.

Naaktuhan naman ang apat na suspek sa gitna ng pot session sa isang bahay sa lugar.

Nakumpiska sa kanila ang isang nakabukas na plastic sachet na may bakas ng puting pulbos na hinihinalang shabu at mga paraphernalia.

Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Parañaque City Police detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (armida d.rico)