Patay ang isang miyembro ng Sigue-sigue commando nang manlaban sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Sta Cruz, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC), ang suspek na si Jomar Bigkas y Maribong alyas ‘Jomar’ residente ng Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Dahil dito, hindi na maisasampa ang nakahandang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms, attempted homicide at assault upon agent of person in authority.

Naganap ang operasyon laban sa suspek alas-11:20 Martes nang gabi sa nasabing lugar. Nang makabili ang poseur-buyer ng halagang P500 shabu mula sa suspek na tumatarima umano sa eskinita malapit sa riles ng Philippine National Railways sakop ng Brgy. 349, Zone-35, ay agad na pomosisyon ang iba pang kasamahang operatiba at nakita ang paglabas ng target na si Jomar.

Pinasok din ng mga operatiba ang eskinita at doon na nakahalata ang suspek kaya agad na bumunot ng baril at pinaputukan ang mga papalapit na pulis pero hindi tumama.

Gumanti ang operatiba at dito na tinamaan ang suspek.

Narekober mula sa suspek ang marked money na ginamit sa buy-bust, isang kalibre 38 baril na may dalawang bala at anim na sachet ng shabu.