Ibinaling kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) head Tim Orbos sa mga pasahero ang kanyang ngitngit sa ilang transport group na tumutuligsa sa kampanya ng pamahalaan kontra sa mga bulok at mausok na jeep.
Bunsod ito ng reklamo umano ng ilang mananakay na walang masakyan sa ilang lugar ng Metro Manila katulad sa area ng Makati, dahil sinisisi ang umano’y isinasagawang operasyon nang pinagsanib na pwersa ng I-ACT, MMDA, DOTR, LTO, LTFRB, PNP-HPG at local government units para sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok Campaign.”
Sa nakarating na impormasyon kay Orbos, nabatid na ilang jeepney drivers ay ginagamit umano ang mga commuters para hindi lamang makapag-comply sa itinatakdang requirement ng pamahalaan, na ipinagbabawal na ang mga bulok at mausok na jeep na pumasada sa mga kalye.
Sinabi ni Orbos, na walang katotohanan aniya na paralisado ang operasyon ng transport group at walang masakyan ang mga commuters dahil sa kanilang ginagawang operasyon.
Imbes na kunsintihin ang mga driver at operator ng bulok na jeep, sinabi ni Orbos na kailangang magsalita at mag-demand ang mga mananakay na kailangan na aniyang mag level-up ang transport group.
Ayon sa communication head ng I-ACT na si Elmer S. Argano, sa kanilang operasyon kahapon sa Antipolo, Taft Avenue, Aurora, Katipunan, Quezon Avenue, Agham at Kalayaan-C5 para sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok Campaign”, nasa 38 na sasakyan ang nahuli dahil depekto ang lights, 3 sasakyan ang ini-impound, 32 ang inisyuhan ng subpoena at 49 sa iba pang violation.