MMDA handa na sa trapik ng SONA

Handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ipapakalat nitong mga tauhan na mangangasiwa ng daloy ng trapiko para sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes (Hulyo 25) na gaganapin sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, aabot sa 1,220 traffic personnel ang kanilang ipapakalat sa bahagi ng Commonwealth Avenue at kalapit na lugar para magsaayos ng daloy ng trapiko.

Alas-12:00 ng hatinggabi ng Lunes ay naka­puwesto na umano ang mga traffic personnel sa nabanggit na lugar.

Sila umano ang magsisilbing augmentation force ng Philippine Natio­nal Police (PNP) at Presidential Security Group (PSG).

Ayon pa kay Carlos, hindi naman umano nila inaasahan ang mabigat na trapik sa Commonwealth Avenue sa Lunes dahil na rin sa kagustuhan ng Pa­ngulo na gawing simple at normal lamang ang SONA upang hindi naman ito makaabala sa publiko partikular sa mga commuter.

Dahilan din umano ito kaya hindi na kailangang isara ang bahagi ng Commonwealth Avenue.

“We see no need to close a portion of Commonwealth Avenue like the previous SONAs,” ayon kay Carlos.

Ngunit ayon kay Carlos, nakahanda naman silang magpatupad ng zipper lane kung kinakailangan.

Bukod sa naka standby rin ang kanilang emergency personnel tulad ng fire trucks at ambulances sa panahon na may unto­ward incident na mangyari.

Dahil na dito, abiso pa rin ng MMDA sa mga motorista at commuters na patungong Commonwealth Avenue na maaaring gumamit ng alternative routes:

Para sa mga private/public utility vehicles (PUJs­) na magmumula sa EDSA, maaring kumanan sa Mindanao Avenue, ka­nan sa Don Julio Gregorio, diretso sa Republic Avenue, kaliwa sa Fairlane o Regalado Avenue patungong destinasyon at vice vesa.

Ang mga private vehicle ay maaring dumaan sa Mindanao Ave­nue, kanan sa Quirino Highway patungong destinasyon at vise versa.

Ang mga private vehicle na mula Commonwealth Avenue maaring kumanan sa Dahlia Avenue, kaliwa sa Chestnut, kanan sa Republic Avenue, Don Gregorio Road, Old Sauyo patungong Mindanao Avenue at vice versa o mula sa Commonwealth Avenue, ka­nan sa Regalao Avenue, kanan sa Republic Avenue, Don Gregorio Road, Old Sauyo Road patu­ngong Mindanao Avenue at vice versa.

Kasabay nito, nilinaw ng MMDA na ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o kilala sa tawag na “number-coding” system ay nananatiling epektibo.