Ramdam na ng taumbayan ang pagbabago sa ilalim ng gobyernong Duterte kahit mahigit isang buwan pa lamang sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Unang-una sa pagbabagong nangyayari ay ang aktibong kampanya kontra iligal na droga na talaga namang walang sinasanto.
Kahit sino ay sinasagasaan ni Pangulong Duterte at ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa, patunay dito ang paglutang ng mga kinakaladkad na mga pulitiko, huwes, at mga opisyal at tauhan ng kapulisan para itanggi ang akusasyon laban sa kanila.
Pero sa kabila ng lahat ng pagbabagong nangyayaring ito sa ating lipunan ay natatangi yata ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ayaw magbago.
Bakit ko ito nasabi? Ito ay dahil hanggang ngayon ay nagkalat pa rin ang mga tauhan ng MMDA na halatang-halata mo namang kotong lamang ang hanap dahil imbes na tumulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko ay nakabunton sila sa isang bahagi ng kalsada para magkwentuhan at mag-abang ng mga sasakyang lalabag sa batas-trapiko.
Walang-wala sa mga ugali ng mga naka-deploy na mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na tutok talaga sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa halip na mag-abang ng mga sasaltong mga motorista para makatiket kung hindi man ay makakotong.
Ang ganitong istilo ng mga taga-MMDA ay luma na at higit sa lahat ay hindi akma sa isinusulong na pagbabago ng gobyernong Duterte kaya dapat ay mabago na.
Huwag na sanang hintayin pa nila na si Pangulong Duterte pa ang makapuna sa mga kapalkapakang nangyayari sa MMDA.
Pero bago ang Pangulo ay dapat si MMDA Chairman Emerson Carlos muna ang tumawag ng atensyon sa kanilang mga tauhan dahil nakakagalit talaga ang kanilang istilo. Nakapanliliit lalo na kung makikita ng iyong dalawang mata na inaabutan ng mga barker ng jeepney at bus na pasaway.