Ipinagmalaki ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic manager Bong Nebrija sa Facebook ang mala-milagrong kaganapan, na makikitang nagkaroon ng disiplina ang mga motorista sa isang bahagi ng EDSA.
Sa nasabing post, makikitang magkaparehong nasa kani-kanilang mga linya ang mga pribado at pampublikong sasakyan. Nasa itinakdang outermost lane ang mga bus at naghihintay at nagbababa ng mga pasahero habang nasa inner lane naman ang mga pribadong sasakyan at motorsiklo.
Ayon kay Nebrija, maaaring simula na ng pagreresolba sa traffic ang pagkakaroon ng disiplina ng mga motorista na nagdaraan sa EDSA.
“We never promised a miracle on EDSA, for me just to bring back the discipline that is good enough,” sabi ni Nebrija.
Matatandaang idineklara ng MMDA ang EDSA bilang traffic discipline zone o self-discipline zone para sa mga motorista na nangangahulugan na kahit wala umanong mga enforcer ay kailangang sumunod ang mga motorista sa mga batas trapiko.