Positibo ang buong Executive Committee ng Metro Manila Film Festival na makakabawi nang bonggang-bongga ngayong taon na ito, dahil sa ganda ng line-up ng mga pelikulang kalahok.

Isa sa basehan ay ngayon pa lang daw ang daming nanghihingi ng season pass, unlike nung last year na dedma ang karamihan at halatang ‘di sila interesadong panoorin ang mga pelikulang kalahok.

Pero ngayon ay talagang nag-aagawan at natatalakan pa nga ang ilang staff ng MMDA nung magkalituhan sa pamimigay ng season pass sa movie press.

Sa ngayon ay hindi pa talaga mahuhulaan kung alin ang magta-topgrosser, pero yung ilang pelikulang posibleng mag-tailender ay ang dali na ngang hulaan.

Masigasig ang halos lahat na mga artistang bahagi ng mga pelikula sa pag-promote kaya ang daming nag-aabang sa pagbubukas nito sa Pasko.

Coco magpapaulan ng espada sa parada

Isa sa napakasipag mag-promote ay si Coco Martin. Wala pa ang parada ng MMFF, nagparada na siya sa buong bansa.

Maaga pa lang ay nag-ikot na siya sa iba’t ibang lalawigan, at dito sa Metro Manila.

Dahil sa ginagawa ni Coco, hindi lang ang pelikula niya ang pinu-promote kundi ang buong MMFF kaya naman medyo ramdam mo na ang MMFF fever.

Ang dami ngang nag-react kung bakit sa Muntinlupa ang parada, baka raw hindi ito tauhin.

Sabi ng mga taga-Muntinlupa, matao ang kanilang lungsod kaya huwag daw maliitin, at baka ma-shock ang lahat kapag pumarada na roon ang walong entries ng MMFF.

Anyway, narito ang order ng mga walong pelikula na magpaparada.

Mauuna ang Ang Larawan, susundan ng Ang Panday, kasunod ang Haunted Forest, ang Gandarrapido: The Revenger Squad, ang Meant To Beh, Dedma Walking, Siargao at panghuli ang All of You nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay.

Excited kami sa parada kung anu-anong gimik, at mga giveaways ang ipamimigay ng mga artistang sakay ng karosa.

Ang inaasahan naming di pahuhuli diyan ay ang Ang Panday ni Coco na sangkatutak daw ang mga espadang ipamimigay sa mga kabataan.

Naka-costume naman dito ang mga bida ng Ang Larawan kaya sana hindi ganun kainit para hindi naman maghulas ang make-up nina Rachel Alejandro, Paulo Avelino at Celeste Legaspi.

Hindi rin papatalbog ang Dedma Walking dahil magmu-mujer sina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman, kaya sabi nga ni Joross, kawawa raw ang ‘Christmas balls’ nila na maiipit ng ilang oras.