Napatay sa sakal ng kanyang kinakasama dahil sa matin­ding selos ang isang 39-anyos na street sweeper ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Dinala pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Rosalyn ­Solia pero hindi na ito u­mabot nang buhay.

Tinutugis pa nga­yon ang kanyang live-in partner na si Marlon Felizarta Matura, isang drayber.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng magka-live in sa 2211 Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Base sa salaysay ng 17-anyos na binatilyong anak ng biktima, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa at nagulat na lamang siya nang sakalin hanggang sa mapatay ng suspek ang kanyang ina.

Mabilis na tumakas si Felizarta nang makitang wala nang malay ang kinakasama na kaagad namang isinugod sa nasabing pagamutan pero idineklarang dead-on-arrival dakong alas-siyete ng gabi.

Labis na pagseselos ng suspek ang tinitingnan na motibo ng pagpaslang