MMDA
MMDA

Mananatili at hindi pa rin mawawala sa mga lansangan ang mga traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa  kabila ng ipinatupad nitong “no contact apprehension policy”.

Paglilinaw ni MMDA Director Jofrey Agulan, ang no contact apprehension policy ay pangunahing nakatuon lamang sa mga moving violation na siyang mahahagip at makukuhanan ng mga ikinabit na CCTV cameras.

Habang ang mga admi­nistrative violations tulad ng kolorum at out-of-line  ay hindi naman mahuhuli  sa mga cameras sa halip ang mga enforcers lamang ang maaaring makahuli sa mga ito dahil may kailangan pang i-check na mga papeles par­a malamang ito’y kolorum o out of line.

Dahil dito, hindi  pa rin umano maaring alisin sa mga lansangan ang mga enforcers dahil bukod sa sila’y magmamando ng trapiko katuwang pa rin ang mga ito sa paghuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko na hindi makukuhanan ng mga CCTV cameras.

Samantala, sa pinakahuling tala ng MMDA, u­mabot na sa halos 2,000 ang nahuli sa pagpatupad ng no contact apprehension policy.

Ayon kay Ronnie Rivera, head ng no contact apprehension policy, sa mga nahuli 70 porsiyento nito ay public utility vehicles na lumabag sa  non-loading  at unloading areas. (Eralyn Prado)