Mobile checkpoint ikakalat sa EDSA

Maglalagay ng mga mobile checkpoint ang Philippine National Police (PNP) sa kahabaan ng EDSA at iba pang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila para mapanatili ang pagsunod ng mga motorista sa enhanced community quarantine.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, ang mga mobile checkpoint ay pangangasiwaan ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group, sa ilalim ng Joint Task Force COVID Shield.

Ayon kay Nograles, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapansin sa biglang pagdami ng mga motorista sa EDSA nitong nakalipas na araw at tila binalewala ang pinaiiral na paghihigpit ng mga awtoridad.

“The PNP-HPG will supervise the mobile checkpoints and check if private vehicle owners are complying with the guidelines of the ECQ,” ani Nograles.

Makakatuwang ngPNP-HPG ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtatatag ng mga mobile checkpoint sa ibang lugar sa Kamaynilaan.

Dadaan sa masusing inspeksyon ng PNP-HPG ang driver ng mga pribadong sasakyan kung ang mga ito ba ay pinapayagang lumabas sa panahon ng enhanced community quarantine alinsunod sa guidelines at exemption na inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). (Aileen Taliping)