Mobile palengke ng mga Estrada iligal

Nanindigan si San Juan City Mayor Francis Zamora na iligal ang pinaiikot na mobile palengke ng mga Estrada dahil wala umano itong permit mula sa city hall.

Paliwanag ng alkalde na kailangang may permiso mula sa munisipyo ang mga nagbebenta at magiging unfair umano ito para sa mga nais magtinda sa San Juan.

“Kung gusto talaga nilang tumulong, mag-apply sila ng permit sa city government. Unang-una walang permit, that is illegal. Kahit anong gusto mong itulong, kung ito ay iligal, kawawa naman ‘yung mga sumusunod sa batas,” paliwanag ni Zamora.

Nabatid na ang mobile palengke ay pinaiikot ni dating vice mayor Janella Estrada na anak ni dating senador Jinggoy Estrada na taga-San Juan na may viral video kamakailan.

“Hindi puwede na basta sila magbukas. Walang permit, illegal yun,” sabi ni Zamora sa mga repoter.

Ngayon lamang nakasagot si Zamora sa mga banat ni Estrada dahil sumailalim ito sa 14-araw na self quarantine makaraang magpositibo at masawi ang isa sa kanyang mga staff dahil sa Covid -19.

Paliwanag naman ni Jinggoy Estrada na una na umano silang lumapit sa Agora Market subalit pinagbawalan silang sumali dahil sa umano’ y may kapit sa city hall ang may hawak nito kaya bumuo sila ng mobile palengke na mag-iikot sa buong San Juan para magbenta ng mga paninda sa lungsod.

Giit naman ni Estrada na: “Kung ilegal ‘yung rolling store ni Janella, sana pinahuli niya. Ilegal na bang tumulong ngayon?”

Laman ng mobile palengke ay mga karne at gulay na may presyong halos kalahati ang ibinibigay sa mga taga-San Juan at may libreng isang kilong bigas pa sa mga mamimili na inalmahan ng ilang kritiko at tindera umano ng Agora Market.

Ayon naman sa mga tinderang nagpo-protesta, nilalabanan umano sila ng mobile palengke dahil 50 percent off o kalahati ang bagsak ng presyo ng paninda rito kaya malaki ang nalulugi sa kanila. Nagkaisa sila na lumagda ng manipesto at sumulat sa business permits and licensing office ng San Juan para ipatigil ang mobile palengke ni Janella.

Mahigit 100 vendors mula sa Agora Public Market Vendors and Owners Association ang apektado ng Mobile Palengke ni Janella ang nag-rally sa harap ng Agora Market para ipatigil ito.

Magugunita na binagsak presyo ni Estrada ang lahat ng tinda ng kanyang anak na si Janella makaraang magalit sa ginawang pagharang umano dito ni Zamora.

Ayon sa vendor na si Pablo Reyes, na wala silang laban sa tinda ni Janella dahil mura ito kaya’t hiniling nila na ipatigil ang mobile palengke

“Kahit dinadala namin sa mga barangay ang aming tinda ay halos walang bumibili,”sabi ni Reyes.

Inakusahan din nito ang mga Estrada na pinagkakakitaan ang mga donasyong goods o pagkain.

Ayon kay Zamora, pinaaksyunan niya sa business permit and licensing office ang isyu sa sandaling magharap ng pormal na reklamo ang mga vendor. (Vick Aquino)