Ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson at dating Senador Jinggoy Estrada para magpaliwanag hinggil sa paglabag diumano sa batas kaugnay ng pinatutupad na enhanced community quarantine.

Bukod kina Uson at Estrada, kasama rin sa ipatatawag si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas na nasasangkot ngayon sa kontrobersiyal dahil sa birthday party umano nito sa kanilang headquarters.

“Subpoenas have been issued against Ms. Uson and former Senator Estrada, but for NCRPO chief Sinas the letter is still being crafted,” pagsisiwalat ng isang NBI insider sa Abante Tonite.

Nabatid na itinakda ang pagpunta ni Uson sa NBI Cybercrime Division sa Mayo 18 para harapin ang imbestigasyon hinggil sa pagpapakalat diumano nito ng fake news sa kanyang social media account.

Si Estrada naman ay iimbestigahan dahil sa pamamahagi ng relief goods sa San Juan City.

Matatandaang inaresto si Estrada ng Philippine National Police (PNP) habang namimigay ng bangus sa mga residente ng isang barangay sa San Juan dahil wala umano itong permit mula sa pamahalaang lokal.

Habang si Sinas ay inulan naman ng mga batikos sa social media matapos kumalat ang mga litrato nito na kuha diumano sa kanyang birthday party na paglabag sa enhanced community quarantine.

Una nang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kanyang inatasan ang NBI para magsagawa ng imbestigasyon kay Sinas at iba pang opisyal ng pulisya na lumabag sa ECQ. (Nancy Carvajal)