Mocha, ‘kakahibang ang patutsada kay Karen

Mocha Uson

LUMABAS sa imbestigasyon ng SOCO na negative si Kian delos Santos sa paraffin test.

Ibig sabihin, wala itong ikinasa, kinalabit o pinaputok na baril. Kung negatibo siya sa paraffin test, saan at kanino galing ang kalibre .45 na baril na hawak nito sa kanang kamay?

Ang nakakapagtaka pa lalo, kaliwete ang pinaslang na binata.

Kaya ‘yung pahayag ni broadcaster Karen Davila sa social media, “Si Kian ay HINDI NANLABAN. SIYA’Y WALANG KALABAN-LABAN” ay tila mag-asawang sampal, matinding tadyak at mariing sabunot sa mga bulag, pipi at bingi sa katotohanan.

Galing sa puso ang pahayag ni Ms. Davila.

Isa lamang siya sa sanlaksang taong hindi mapigil ang damdamin sa pagkamatay ni Kian.

Kaya kataka-taka at tunay na nakakahibang ang mga nilalang na ipinagtatanggol pa ang mga taong dahilan kaya nawala agad ang binatang Delos Santos sa mundo.

May nakareserba na sa kanilang espesyal na puwesto sa impyerno.

‘Wag na kasing ipagtanggol ang mali.

‘Pag mali, mali. Huwag baluktutin at gawing tama.

Huwag magpaikut-ikot at ipangalandakang ‘innocent until proven guilty’ ang may mga gawa nito.

Inuulit ko, negatibo sa paraffin test si Kian, asan ngayon ang elementong nanlaban?

Kaya ‘yung panggagalaiti ni Mocha Uson na may emotada encarnacion na ongoing pa ang imbestigasyon kaya dapat wala pang kahit na anong reaksyon si Ms. Karen tungkol dito, hindi lang wala sa hulog — wala talaga sa katwiran.

Mocha Uson
Mocha Uson

Anong pruweba pa ang kailangan mo, Ms. Uson?

Wala siyang pinaputok na baril. Walang pulbura sa kahit na anong bahagi ng katawan niya, lalo na sa kanang kamay na may hawak na baril gayong kaliwete pala ang binata.

Ang isa pang nakakahiya na may Defensor pa man din sa apelyido, na gustong ibaling ang sisi sa iba, pahiya ang babaing The WHO na si Paula Defensor Knack na ipinangalandakan na ang kasama ni VP Leni Robredo ay ang pulis umano na salarin na hindi naman pala.

A classic case of mistaken identity.

Pumalag ang kamag-anakan ng lalaking sinasabing salarin daw at balak nitong ihabla ang The WHO na masyadong mapaglaro ang imahinasyon.

Ang The WHO times two na si Sass Sasot, may mahaba-habang kuda at hanash tungkol sa manner of pagpapaputok sa baril at kumbinsido siyang nagpaputok nga si Kian delos Santos.

Salat sa kahihiyan ang babaing The WHO times two kaya tiyak na ikikibit-balikat niya lang ang kanyang maling haka-haka.

May isang napakainam na post kung bakit nagsisilakbo ang damdamin ng marami sa nangyari kay Kian.

Some parts of the said post, “When it’s the PNP that kills innocent people, ibang usapan na iyan. Alam mo kung bakit? BECAUSE THE PNP AREN’T SUPPOSED TO BE KILLING INNOCENT PEOPLE!!!

“Kaya may public outrage, kaya nagagalit ang tao kasi the people they trust to deliver justice are the ones committing injustice!

“Does that make sense? Kaya next time don’t ask us kung nasaan ang outrage namin nu’ng may pinatay ang adik kasi we were TRUSTING the cops to do their job.”

Sa mga Mocha Uson and the two the WHO’s of this world, cuentas claras na ba kung bakit grabe ang pakikisimpatiya kay Kian delos Santos?

Kasi ang walang kalaban-laban, pinalalabas na nanlaban. At ngayong negatibo ito sa paraffin test, ano kayong bagong pagtatanggol at plot ang inyong hahabiin?

***

Ang mga tao sa loob at labas ng showbizlandia, nakatutok sa pangyaya­ring ito.

Ang ganitong klaseng karahasan, hindi dapat pinalalagpas. Dapat ma­nagot ang dapat managot.

Ang ganitong kuwento, napakagandang materyal para sa isang dokumentaryo o isang pelikulang hindi lang sasalamin kundi magpapakita kung ano ang kahihinatnan ng giyera sa droga sa kasalukuyan.

Kung gagawing pelikula o drama sa telebisyon ang nangyari kay Kian, ang bagay na gumanap dito ay ang mga mahuhusay na batang aktor na sina Gold Azeron, Francis Mangundayao o Ronwaldo Martin.

Bongga rin siguro kung si Mikhail Red o si Treb Monteras II ang magiging direktor nito.

Sa mga seasoned film masters, panalong-pa­nalo kung sina Direk Joel Lamangan o Erik Matti ang magdidirehe.

Eh sa nanay ni Kian? Panalo kung si Elizabeth Oropesa o si Tetchie Agbayani. Sa gaganap na ama, pasok sa banga si Pen Medina o si John Arcilla.

Eh sa mga Hudas, Barabas at Hestas na tatlong pulis na may alegasyong pumaslang sa 17-anyos na binata, pasok ba sa pihikan niyong panlasa kung kina Jay Manalo, Jordan Herrera at Carlos Morales ang magbibigay buhay sa kanila?