Nabuhay na naman ang mga kritiko ng supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na dating Communications Assistant Secretary Esther Margaux “Mocha” Uson dahil sa pagkakaluklok niya bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

May mga kumukuwestyon ng kanyang appointment dahil wala pang isang taon mula nang tumakbo ito sa party-list sa nakaraang halalan kung saan ay hindi ito pinalad.

Pero paglilinaw ng Palasyo sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo hindi saklaw ang mga kumandidato sa party-list sa ban kaya binigyan ng puwesto ng Pangulo si Mocha nitong Setyembre 23, 2019.

Malinaw na sana sa mga kritiko ni Ms. Uson na lehitimo ang kanyang appointment base sa paliwanag ng tagapagsalita ng Malacañang.

In fairness naman kay Ms. Uson naramdaman dati ng mga OFW ang gobyernong Duterte dahil nagsilbi siyang instrumento para maiparating sa gobyerno ang hinaing ng mga OFW.

Kaya bakit hindi natin hayaang maglingkod si Ms. Uson sa gobyerno dahil sa ganitong bagay siya epektibo.

Sayang naman ang natitirang panahon ng gobyernong Duterte kung walang katulad ni Ms. Uson na magsisilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at mga kababayan nating OFW na nangangailangan ng tulong.

Kaya kay Ms. Uson hangad natin ang kanyang tagumpay sa bagong responsibilidad na iniatang sa kanya ni Pangulong Duterte. Nawa’y magampanan niya ng mabuti ang kanyang papel at maging karangalan siya ng

gobyernong Duterte.