Nagkaroon ng kaunting aberya ang idinaos na mock election sa isang elementary school sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon ng umaga nang hindi mabasa ng Voter Registration Verification System (VRVS) ang fingerprint ng ilang botante na lumahok sa naturang pagsasanay bilang paghahanda sa halalan sa Mayo.
Batay sa pahayag ni Nelson Adriatico, assistant election officer ng Commission on Elections (Comelec), nagkaroon ng kaunting aberya nang hindi agad mabasa at ma-detect ng VRVS ang pangalan ng mga botante kaya tumagal at humaba ang pila ng mga lumahok na residente.
Dahil dito ay napilitan na lamang umano ang grupo ni Adriatico na gawin ang manual procedure ng halalan upang umusad ang mahabang pila ng mga botante na noon ay naiinip na.
Bukod sa Commonwealth Elementary School, nagkaroon din ng problema sa Toro Hills Elementary School sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City nang hindi mai-print ang resibo ng voter’s registration dahil sa problema sa connection ng printer ng botanteng si Rebecca Buena, 57-anyos.
Kabilang sa mga lumahok sa mock election ay mga person with disability at mga senior citizen na maagang dumating sa kanilang mga voting precinct.
Ang mga mock ballots ay naglalaman ng pagpipilian ng mga kandidato para sa senador, party-lists at local post mula sa pagiging congressman, mayor at city council member.
Anim na guro mula sa elementary school ang umakto bilang mga Board of Election Inspectors at support group sa bawat paaralan na pinagdausan ng mock election.
Tumulong na rin ang grupo ng mga election watcher mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting at Kontra Daya sa ginanap na pagsasanay para na rin masubok ang kanilang kakayahan sa pagpo-proseso ng mga dokumento.
Layunin ng mock election na maiwasan ang problema kapag sumapit na ang tunay na takdang araw ng halalan sa Mayo 13.